Nasa university avenue na pala. Nakita ko ulit yung mga sunflower na nakatanim sa gitna. Yung iba, maganda pa rin. Pero, karamihan sa mga bulaklak ay nalalanta na. Tag-ulan na kasi. Naalala ko tuloy yung usapan namin noon...
"Wow... ang gaganda naman ng mga roses na ito. Sino naman ang pagbibigyan mo nito ha?" ngiting-tanong ko sa kanya. "Para kay Maggie yan... Maganda ba? Sa tingin mo, magugustuhan kaya niya?" "Oo naman. Kahit naman sinong babae, kapag bibigyan mo ng 1 dozen red roses, siguradong, matutuwa. Hindi ba nga sabi nila, the way to a man's heart is through his stomach and the way to a woman's heart, is through flowers. Suwerte naman ni Maggie. Tanong ko lang, bakit nga ba roses ang pinili mo at hindi gerbera, o kaya, tulips, para mas lalong ma-impress?" "Kasi, para sa akin, tulad siya ng isang rose..." "Wow... ginagawa mo namang bulaklak ang mga babae niyan. Huwag mong sabihin na lahat ng mga past girlfriends mo eh naka-associate sa flowers?" Nakataas ang kilay kong tanong sa kanya. "What if sabihin ko sa iyo na lahat sila ay naka-associate sa flowers," pabirong sagot niya. "This is quite an interesting topic. Sige nga, anong klaseng mga flowers sina Alexie, Guia, Lenny?" "Si Guia ay daisy kasi friendly siya, si Alexie ay tulips kasi napakaganda niya.... oh bakit ganyan ang tingin mo sa akin?" "Wala naman, naisip ko lang na kapag lahat ng babae ay naka-associate sa flowers... I'm just wondering kung meron ding bulaklak na naka-associate sa akin?" "Meron nga..." "Ano naman yun? Dapat lang maganda ha. Dahil kung hindi, hindi kita kakausapin for the rest of our college days. Hmmm... maganda ang sunflower. Favorite flowers ko iyan, sunflower ba?" "Maganda ang sunflower. Yellow and bright colors... gaya mo na palaging masaya. Pero hindi ka sunflower. Para sa akin, isa kang halaman ng santan," sabi niya habang nakatitig sa akin. "Bulaklak ng santan? Ano ba namang klaseng association iyan? Ok I get it, santan... ordinaryo, simple, palagi mong makikita kahit saan..." Nakangiti ako sa kanya pero sa loob ko, sa puso ko, nasasaktan ako... Mahal ko siya. Minamahal ko siya kahit hindi niya ako mahal. Siguro naghihintay lang akong mahalin niya rin ako sa pagdating ng panahon pero patuloy pa ba akong aasa sa binitawan niyang salita? Ano ba naman ang laban ng isang santan sa rose, sa daisy, o sa tulips? Tinitigan ko siya. Buti na lang, nakatutok ang atensiyon niya sa pagdra-drive at sa daan, kung hindi nakita na niya sana ang lungkot na lumatay sa mukha ko. Tama, wala na akong pag-asa. Kailangan ko na talagang gumising sa pananaginip. Hindi niya ako magugustuhan. At lalong-lalo ng hindi niya ako mamahalin. Minsan ko pa siyang tinitigan. Nakangiti siya. Masaya siya dahil merong rose sa buhay niya. Hindi ko iyon makakaya. Ako na lang ang lalayo para sa kanila. Sa wakas, nakarating din ako sa UP Chapel. Pagkatapos kong maiparada ang aking sasakyan, bumaba ako at tinungo ang entrance. Nakita ko kaagad ang isang matandang babae, at ng makilala niya ako, agad niya akong sinalubong at niyakap. Pagkatapos ng ilang minuto, inakay niya ako sa loob at nabungaran ko ang pagkadami-daming bulaklak. Sa gitna noon, nandoon ang isang puting kabaong. Dahan-dahan akong lumapit at tinunghayan ang taong nasa loob noon. Iyon pa rin ang mukhang palagi kong nakikita walong taon na ang nakakaraan. Katulad pa rin siya ng dati. Nasa ganoon akong posisyon ng lumapit ulit ang matandang babae, may ibinigay siya sa akin. Isang puting sobre. Agad kong binuksan at binasa ang nakasulat... Sorry kung nasaktan kita. Pero hindi ko binabawi na sinabi kong isa kang santan. Para sa akin, ang santan ang pinakamaganda sa lahat ng bulaklak. Tama ka, ito ay karaniwan, simple, palagi mong nakikita sa daan. Pero ang taong katulad ng santan ay bihira lamang. Dahil kung ikaw ay santan, kahit hindi ka alagaan at kahit anong bagyo ang dumating sa buhay mo, mabubuhay ka pa rin. Mamumulaklak ka pa rin. Ganoong tao ka para sa akin. Katulad sa university avenue ng UP, summer lang itinatanim ang sunflower dahil hindi nila kakayanin ang ulan at bagyo. Pero ang santan, nakatanim dun kahit anong panahon. Pang-summer lang ang sunflower. Ang santan, panghabambuhay. Parang ikaw.Palaging nagmamahal sa iyo habambuhay, Christian.
1 comments:
It feels good to know that you appreciate my article. Thanks for sharing it in your site. Kindly refer it to this link - http://www.peyups.com/article.khtml?sid=4108 (original publisher).
Thanks a lot.
ry-ann (writer of "Ako ay Isang Bulaklak ng Santan)
Post a Comment